Binatikos ng grupo ng mga magsasaka ang mungkahi ng IATF at Department of Health (DOH) na gawing mandatory ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa ilang sektor.
Sa isang statement, binigyan diin ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Chairperson Danilo Ramos na dapat manatiling voluntary ang pagpapabakuna.
Sa halip na gawing mandatory ang COVID-19 vaccination, mas mainam aniya na ang pagbibigay ng economic aid sa mga vulnerable sectors ang gawing mandatory.
Naniniwala si Ramos na “continuous process of education and public information” ang pagkumbinse sa publiko na magpabakuna kontra COVID-19 upang sa gayon ay kalaunan maabot ang inaasam na herd immunity.
Sa katunayan, kaya nga mataas aniya ang vaccine hestitancy sa mga malalayo at liblib na lugar ay dahil sa kakulangan nang pagkumbinse sa kanila sa pamamagitan ng mahahalagang impormasyon tungkol sa pagpapabakuna.
Bagama’t magandang bagay na bumababa na ang COVID-19 cases sa buong bansa, iginiit ni Ramos na hindi sapat ang vaccination program ng pamahalaan para maprotektahan ang mga Pilipino sa pagkakahawa sa sakit.
Dapat nga rin aniyang tiyakin ng gobyerno ang pagkakaroon ng tuloy-tuloy na livelihood at food accessbility sa publiko sa harap ng nagpapatuloy na COVID-19 crisis.