CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang kawani ng gobyerno sa pamamaril sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang biktima na si Guizali Lumenda Lumilis, 39, may asawa, foreman maintenance at residente ng Datu Piang Avenue, Barangay Poblacion, Datu Piang, Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Jibin Bongcayao na papauwi na ang biktima sa kanyang tahanan sakay ng kanyang motorsiklo para mananghalian ng ito ay biglang dikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Datu Piang.
Naisugod pa ang biktima sa Abpi-Samama Lying Hospital ngunit hindi na ito umabot ng buhay nang magtamo ng limang tama ng bala sa kanyang katawan.
Personal na alitan sa trabaho o rido ang sinusundang anggulo ng Datu Piang PNP sa kanilang imbestigasyon sa pamamaril patay sa biktima.