
Ibinasura ng Sandiganbayan ang mga forfeiture cases laban sa dating military comptroller na si Carlos Garcia, isang retired major general ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ay matapos na pagbigyan ng Sandiganbayan Fourth Division ang inihaing mosyon ng Office of the Ombudsman na bawiin ang dalawang civil cases laban kay Garcia, at sa pamilya nito noong Disyembre 7, 2022.
Paliwanag ng anti-graft office, nakasaad daw kasi sa nasabing mosyon na halos lahat ng mga ari-arian sa mga kasong ito ay narekober na kasunod ng pagpapatupad ng plea bargaining agreement.
Ito ang dahilan kung bakit wala na anilang sapat na ebidensya para suportahan ang pagsasamsam sa mga natitirang ari-ariang nakalista sa mga petisyong una nang inihain.
Ayon sa isang resolusyon, isa sa mga dahilan kung bakit binawi ng korte ang kasong ito ay upang maiwasan ang pag-aaksaya ng oras, effort, at resources nito.
Nakasalalay din kasi anila sa magiging desisyon ng Ombudsman ang magiging pag-withdraw ng mga petisyon sa ilalim ng plea bargaining agreement.
Kung maaalala, naghain ng guilty plea si Garcia noon upang mapababa ang kaniyang hatol.
Dahil dito, Hulyo 2022 ay hinatulan na lamang siya ng apat hanggang walong taong pagkakakulong nang dahil sa kasong direct bribery and money laundering sa halip na kasong plunder and money laundering na nagkakahalaga sa P303.2 milyon na ill-gotten wealth noong siya ay nasa militar pa.