-- Advertisements --

ILOILO CITY – Lalo pang tumindi ang agawan ng assets ng dalawang electric providers sa Iloilo na MORE Electric and Power Corporation at Panay Electric Company.

Ito’y matapos umatras na rin ang ikaapat na hukom na hahawak sa kaso hinggil sa agawan ng dalawang kompaniya upang maging electric distributor sa Lungsod ng Iloilo.

Tatlong dahilan ang isinapubliko ni Presiding Judge Ma. Theresa Gaspar ng Branch 33 ng Iloilo Regional Trial Court sa kanyang pag-inhibit sa exproriation case ng MORE Electric and Power Corporation at Panay Electric Company.

Base sa inhibition memorandum ni Presiding Judge Gaspar, inihayag nito na ang Chief Project Engineer ng More Electric and Power corporation ay asawa ng kanyang Civil Case Clerk Staff.

Maliban dito, ang mga may-ari ng Panay Electric Company na sina Jose Maria at Sandra Cacho ay kaibigan ni Presiding Judge Gaspar at si Dr. Dianne Castro ay kanyang namang endocrinologist.

Napag-alaman na bago pa man nahawakan ni Gaspar ang expropriation case, ito ay hinawakan muna ni Iloilo Regional Trial Court Branch 35 Presiding Judge Daniel Antonio Gerardo Amular na nag-inhibit dahil sa iilang mga dahilan.