CAGAYAN DE ORO CITY – Nasa halos 30 galon na pinaglagyan ng mga bigas na umano’y pagmamay-ari ng New People’s Army (NPA) ang nakubkob ng militar sa Tagoloan II, Lanao del Sur.
Ito’y matapos itinuro ng dating NPA rebels na sumuko sa gobyerno at mga sibilyan ang lugar na pinagtataguan ng mga pagkain kaya hinukay at narekober ng 82nd Infantry Batallion, Philippine Army sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command spokesperson Maj. Arvin Encinas na ang pagkadiskobre sa panibagong food supply ng NPA ay nangangahulugan na ayaw ng taga-Lanao Sur na mapasukan ang lugar ng kilusang komunista.
Sinabi ni Encinas na hindi nila titigilan ang panghihimasok ng mga rebelde sa lugar kaya ipinatupad ang walang humpay na military combat operations sa buong probinsya.
Natuklasan ng militar na nais ng teroristang grupo na hihikayatin ang Maranao-Muslims na sumapi sa kanila upang pabagsakin ang local government units ng probinsya lalo pa’t marami sa mga bayan nito ay sobrang nakaranas ng malubhang kahirapan.
Unang narekober ng militar ang 21 gallons ng bigas nitong Abril at nasundan ng panibagong walo pang containers sa nabanggit na lugar nito lamang Setyembre 4.