DAVAO CITY – Ganap nang natapos ang Diarrhea Outbreak sa Toril dito sa lungsod ng Davao kung saan nasa kabuoang 217 na kaso ang natala mula sa 25 na mga apektadong barangay.
Ito mismo ang inilabas na anunsyo ng hepe ng Davao City Health Office na si Dr. Ashley Lopez base sa na-consolidate na imbestigasyon mula sa Epidemiology Bureau ng Department of Health, Davao City Water District at ng City Government of Davao, matapos ang halos dalawang linggo na pagsasagawa nila ng imbestigasyon simula sa onset ng outbreak noong Hulyo 15.
Kinumpirma ni Dr. Ashley na food contamination at hindi ang tubig mula sa Davao City Water District ang dahilan ng diarrhea outbreak sa Toril kung saan, base sa kanilang imbestigasyon, ang tapioca mula sa Night Market ng Toril ang nangungunang dahilan sa diarrhea kung saan kadalasan sa mga pasyente na na-ospital ang kumpirmadong nakakain nito. Habang pangalawang pinagsususpetsahan naman ay ang nakaing isaw ng mga biktima.
Sa kabilang banda, umabot sa anim ang casualty ng Diarrhea outbreak kung saan pinaka-latest nito ay ang isang 27 anyos na lalaki na residente ng Sitio Marapangi Toril kung saan kinumpirma din ni Dr. Lopez na nakakain din ito ng Tapioca, isaw at corndog sa Rasay St. noong Hulyo 15 kung saan kalaunan ay nakaranas din ito ng signs and symptoms ng Diarrhea.
Namatay ang nasabing pasyente dahil sa cardio pulmonary arrest secondary to severe dehydration.
Sa kasalukuyan, nasa 48 ang active cases sa diarrhea mula sa kabuoang 217 na kaso.