Walang naitalang mga untoward incident at inilarawan na “generally peaceful” ang isinagawang fluvial procession nitong Sabado, Enero 14, na alay sa kapistahan ni Sr. Sto. Niño ayon sa Philippine Coast Guard District Central Cebu.
Ang galleon para sa Fiesta Señor ngayong taon ay ang BRP Cabra mula sa Philippine Coast Guard (PCG).
Umabot sa mahigit 400 na sasakyang pandagat ang lumahok sa muling pagbabalik ng fluvial procession ngayong taon na dinaluhan naman ng libo-libong deboto.
Inihayag ni Commander Mark Larsen Mariano, nasa 189 lamang ang aktwal na nakapag palista sa kanilang tanggapan ngunit kaninang umaga bigla na lamang dumami ang bilang ng mga maliliit na sasakyang pandagat na nakilahok sa nasabing aktibidad.
Sinabi pa ni Mariano na hindi nila inaasahan ang bilang ng mga sumama sa prusisyon ngunit naging maayos naman ang aktibidad at wala silang naitalang insidente.
Matagal pang nasimulan ang aktibidad dahil sa paglipat ng mga imahe ng Sr. Sto. Niño at ng Our Lady of Guadalupe pero nakuha naman nila ang kanilang target na dalawang oras.
Sa halip na gamitin ang ruta ng dry run na dadaan sa ilalim ng Old Mandaue- Mactan Bridge, nagpatuloy na lang ang prusisyon sa Cebu-Cordova Link Expressway bago bumalik sa Pier 1 nitong lungsod dahil may mga naghihintay ng mga sasakyang pandagat doon.
Samantala, nasiyahan si Cebu Archbishop Jose Palma na makita ang muling pagbabalik at pinahintulutan na ang mga aktibidad para sa piesta Señor lalo na ang mga relihiyosong aktibidad.
Ikinatuwa rin nito na dininig ang mga panalangin ng mga deboto na magandang panahon para masaksihan ang fluvial.