-- Advertisements --
Fluvial Cebu Sinulog Sto Nino

CEBU CITY – Bumuhos ang libo-libong deboto ni Sr. Sto. Niño ang ginanap na fluvial procession kaninang umaga sa bisperas ng Fiesta Señor 2020.

Bantay sarado ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy at maritime police ang MV Teofilo Camomot na ginawang galleon ngayong taon.

Naglayag ang nasabing galleon na sakay ang imahe ni Sr. Sto. Niño mula sa lungsod ng Mandaue patungong Pier 1 sa lungsod ng Cebu.

Kasama naman sa fluvial procession ang 160 makukulay na shipping vessels kung saan bawat isa ay may sakay na mga deboto at ang iba ay may mga tribal band pa.

Pagdaong naman ng galleon sa Pier 1 ay sinalubong ito ng daan-daang kapulisan at may mga Sinulog dancers rin na nag-alay ng sayaw para sa Sr. Sto. Niño.

Kaagad naman itong dinala muli sa Basilica Minore del Sto. Niño de Cebu at doon isinagawa ang re-enactment ng unang misa, baptismo at kasal.

Samantala, nagpatupad naman ng cellphone signal shutoff habang isinagawa ang fluvial procession at inaasahang gagawin rin ito sa iba pang mahahalagang aktibidad ng Sinulog 2020 lalong-lalo na sa pagdating ni Presidente Rodrigo Duterte bukas dito sa lungsod ng Cebu.