Inaasahang aabot ng P1.780 trillion ngayong taon ang fiscal deficit ng Pilipinas sa harap nang paglaki ng inilalabas na pera kaysa pumapasok na kita.
Sa Sulong Pilipinas Forum, sinabi ni Budget Secretary Wendel Avisado na ang deficit ng bansa ay inaasahang papalo sa 8.9% ng gross domestic product (GDP), mas mataas kaysa 7.6% ng GDP noong 2020.
Sinabi ni Avisado na ang kikitain Pilipinas ay inaasahang lalago ng 0.9% o P2.881 trillion, katumbas ng 14.4% ng GDP.
Pero ang disbursements ay nakikita naman na tataas ng 10.3% sa P4.662 trillion o 23.3% ng GDP.
Ayon sa kalihim, sakop ng disbursements ngayong taon ang ginagastos para sa health, socioeconomic recovery measures, pati na rin sa mga infrastructure projects.
Kasama rin dito ang extension nang validity ng fiscal year 2020 general appropriations act hanggang Disyembre 31, 2021, at ang pondong nakalaan sa ilalim ng Bayanihan 2 na mapapaso sa Hunyo 30 ng kasalukuyang taon.
Enero nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo DUterte ang batas na nagpapalawig sa Bayanihan to Recover as One Act pati na rin sa 2020 national budget, dahil na rin sa COVID-19 pandemic.










