-- Advertisements --
image 143

Malilibre mula sa gastusin sa pre-employment document ang mga first time jobseekers subalit sa isang beses lamang ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ito ay kasunod na rin ng paglagda sa joint operating guidelines para sa First Time Jobseekers Assistance Act (FTJAA) ng DOLE at ng 15 iba pang mga ahensiya ng pamahalaan.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ito ay bilang kumpirmasyon ng pagkakaisa na magkaroon ng trabaho ang ating mga kababayan lalo na ang mga first time jobseekers.

Matatandaan na una ng ipinatupad noong 2019 ang First Time Jobseekers Assistance Act subalit na-institutionalize ang joint operating guidelines dahil sa ilang mga hamon sa pagpapatupad ng mga hiwalay na ahensiya kung saan nahirapan sa pagtukoy sa magiging basehan ng first time jobseekers.

Sa ilalim ng nasabing batas, kwalipikado ang mga K-12, college graduates, technological vocational education at training graduates maging ang mga out of school youth anuman ang kanilang mga edad.

Kailangan lamang na makakuha ng clearance mula sa kani-kanilang mga barangay.

Ayon sa DOLE, umaabot na sa 300,000 first time jobseekers ang nabenepisyuhan mula ng ipatupad ang batas noong 2019.