-- Advertisements --
image 372

Nanawagan si Finance Secretary Benjamin Diokno sa Insurance Commission (IC) na ilabas na ang mga implementing rules para sa Financial Products and Services Consumer Protection Act (FCPA) ng 2022.

Ito’y upang makatulong umano na mapabuti ang tiwala ng consumers sa mga financial products at hikayatin ang publiko na mamuhunan sa financial protection.

Nilagdaan bilang batas noong Mayo 2022 at nilalayon ng Financial Products and Services Consumer Protection Act o FCPA na maglagay ng mga mekanismo na nagpoprotekta sa interest ng mga mamimili ng mga financial products and services.

Ayon kay Diokno, inaasahan niya na ang mga opisyal ng Insurance Commission na patuloy umanong tuklasin ang mga bagong hakbangin upang maayos na maisagawa ang mandato nito na protektahan ang mga financial consumers ng mga insurance, pre-need at health maintenance organization.

Dagdag pa ni Diokno na ang pagpapalabas ng Insurance Commission ng mga implementing rules ng Financial Products and Services Consumer Protection Act ay makatutulong na mapataas ang tiwala ng kumukonsumo sa industriya ng insurance, pre-need at health maintenance organization.

Aniya, ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng legal na awtoridad sa lahat ng may-katuturang institusyon ng gobyerno at financial regulator para ipatupad ang maingat, responsable at nakasentro sa customer na mga pamantayan at panununtuan.