-- Advertisements --

Kinumpirma ng biotech company na Moderna ang plano nitong simulan sa susunod na buwan ang final stage para sa trial ng isa sa posibleng coronavirus vaccine.

Layunin ng pag-aaral na ito na makita ang malinaw na clinical proof para sa mRna vaccine na may kakayahan umanong tulungan ang isang indibidwal na makaiwas mula sa nakamamatay na virus.

Ayon sa kumpanya, may kakayahan din daw ang naturang gamot na tulungan ang katawan ng pasyente na hindi na lumala pa ang nararamdaman nitong sintomas na magiging dahilan para ito ay maospital.

Una rito ay sinabi ng naturang kumpanya na posibleng simulan nila ang pagbibigay ng experimental doses para sa mga healthcare workers sa Disyembre.

Ang Moderna ang kauna-unahang biotech company na nagsagawa ng human clinical trials sa kanilang ginawang gamot.

Isasagawa ang huling clinical trial sa 30,000 volunteers katuwang ang U.S. National Institue of Allergy and Infectious Diseases (NIAID).