-- Advertisements --

Umaasa ngayon ang Department of Justice (DoJ) na matatapos na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang isinasagawang imbestigasyon kaugnay pa rin sa banggaan ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City na ikinamatay ng limang katao kabilang ang dalawang pulis at isang PDEA agent.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, base raw sa pakikipag-ugnayan nito sa NBI, posibleng isumite ng NBI ang final report sa DoJ sa katapusan ng buwang ng Agosto.

Aniya, halos tapos na raw ang imbestigasyon ng NBI at mayroon na lamang silang hinihintay na isang critical report o ang resulta ng digital forensic examination ng mga mobile phones ng mga operatibang sangkot sa insidente.

Tiwala si Guevarra na maraming makukuha ang NBI na ebidensiya sa mga devices na gamit mismo ng mga pulis at PDEA agent na sangkot sa krimen na naganap sa labas ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth, Quezon City.

Maliban sa mga makukuhang ebidensiya sa mga mobile phones, mayroon na rin umanong nakuha ang mga forensic investigators na 22,000 pages ng text messages, call logs, videos at mga larawan mula sa mga devices.

“The NBI hopes to submit its final report to the DOJ by the end of this month. A lot of material evidence is expected to be mined from these devices. Our forensic investigators have had to examine meticulously an average of 22,000 pages of text messages, call logs, videos, and pictures per mobile phone,” ani Guevarra.

Kung maalala, nangyari ang insidente noong Pebrero 24 o anim na buwan na ang nakakalipas.

Idinepensa naman ni Guevarra kung bakit matagal ang isinasagawang imbestigasyon dahil malaliman umano ito at ang resulta na lamang ng forensic report ang kanilang binubusisi na magiging final piece sa imbestigason.

Una rito, parehong idinipensa noon ni dating PNP Chief General Debold Sinas at PDEA DIrector Wilkins Villanueva ang kanilang mga tao dahil nagsagawa lamang daw ang mga ito ng lehitimong buy-bust operations.

Mayroon namang mga nagsasagi na posibleng napaglaruan ng mga drug syndicates ang tropa ng pamahalaan at posibleng mayroon din umanong lapses ang Quezon City Police District (QCPD) at PDEA sa naturang operasyon.