Reading Time: 1 minute

Naisapinal na ang roster ng US men’s basketball team para sa papalapit nang FIBA World Cup.

Sa anunsyo ng USA Basketball, hindi na kasi makakapaglaro pa si Kyle Kuzma ng Los Angeles Lakers dahil sa natamo nitong left ankle injury.

Dahil dito, saktong 12 players na lamang ang nalalabi sa roster ng American squad.

Babandera sa opisyal na team roster sina Harrison Barnes (Sacramento Kings), Jaylen Brown (Boston Celtics), Joe Harris (Brooklyn Nets), Brook Lopez (Milwaukee Bucks), Khris Middleton (Bucks), Donovan Mitchell (Utah Jazz), Mason Plumlee (Denver Nuggets), Marcus Smart (Celtics), Jayson Tatum (Celtics), Myles Turner (Indiana Pacers), Kemba Walker (Celtics) at Derrick White (San Antonio Spurs).

Dahil sa namamaga nitong bukong-bukong, hindi nakapaglaro si Kuzma sa 98-94 exhibition loss sa Australia, na tinapos ang 78-game international winning streak ng Team USA sa loob ng halos 13 taon.

Sisimulan ng Team USA ang kanilang kampanya sa World Cup sa pagharap nila sa Czech Republic.

Target ngayon ng Team USA na maka-three-peat sa World Cup, na hindi pa nagagawa sa 69-taong kasaysayan ng naturang prestihiyosong event.