-- Advertisements --

Sa kabila ng makulimlim na panahon at mga panaka-nakang pag-ulan, matagumpay pa ring naisagawa kahapon ang IronMan 70.3 Philippines sa Cebu.

Nilahukan ito ng halos 2000 atleta mula sa 46 na bansa sa karera para sa swimming, biking at running.

Nakuha ng Filipino triathletes na sina August Benedicto ng Tarlac at Ines Santiago ng Negros Occidental ang overall title para sa men’s at women’s division ng nasabing event.

Tinapos ni Benedicto ang 1.9-km swim, 90-km bike at 21-km run sa loob ng mahigit 4 na oras(4:29:26) habang 5:23:14 naman para kay Santiago.

Pareho din itong pinarangalan ng tig USD300.

Matatandaan na si Santiago rin ang unang babaeng finisher ng Century Tuna IRONMAN Philippines noong Marso ng taong kasalukuyan.
Parehong nakaranas ng mga hamon ang dalawa dahil sa parte ni Benedicto ay kaunti lang ang oras ng paghahanda nito at ngayon lang nakabalik sa eksena ng Ironman mula noong 2019.

Sa inilabas na pahayag ni Benedicto, lubos niyang pinasalamatan ang mga Cebuano sa mainit na pagtanggap at pagcheer ng mga ito na nagbibigay pa aniya sa kanya ng karagdagang enerhiya at motibasyon para tapusin ang karera.