LEGAZPI CITY – Napa-“wow” ang maraming netizens kabilang na ang pamunuan ng Commission on Higher Education (CHED)-Bicol kaugnay sa imbensyon ng grupo ng mga estudyante mula sa Camarines Sur Polytechnic Colleges.
Likha kasi ng mga ito ang trainable gloves na kayang makapag-interpret ng Filipino sign language at nako-convert pa sa speech.
Bahagi ang imbensyon ng thesis nina Francis Anthony de Guzman, Rency Galan Dela Cruz at Klenn Arvin Alcibor.
May nakalagay na sensors sa gloves habang nai-interpret naman ng motion tracking device ang hand at finger gestures na nako-convert sa data na ipinapadala sa computer para sa pagproseso.
Layunin ng imbensyon na makatulong na makabawas sa communication barrier lalo na sa mga komunidad na may kapansanan.
Hangad naman ni CHED Bicol Regional Director Dr. Freddie Bernal sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mabigyang-tuon pa ito ng pamahalaan at matulungang mas ma-develop pa.
Makikipagpulong din si Bernal sa school administration para sa posibleng monetary reward at plaque of appreciation and recommendation maging sa iba pang tulong na maaring maipaabot sa team.