Patay ang isang Filipino lawyer na si John Albert “Jal” Laylo matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Philadelphia, Pennsylvania.
Lumabas sa mga ulat na kasama ng abogado ang kanyang ina sa isang Uber vehicle para habulin ang kanilang flight pa-Chicago nang barilin ang 36-anyos na si Laylo.
Lumabas sa ulat na isa sa anim na balang tumama sa biktima ay natagpuan sa kanyang ulo na siyang naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Ang kanyang ina naman ay nagtamo ng slight injuries dahil sa glass fragments.
Naiulat na raw ang naturang insidente ni incoming Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr.
Ipinag-utos naman ni Locsin sa embahada ng Pilipinas sa Estados Unidos na iuwi na sa bansa ang bangkay ng biktima maging ang kanyang ina.
“We are saddened by the death of a kababayan (fellow Filipino) in a random shooting incident in Philadelphia. We ask you to join us in praying for the eternal repose of his soul,” ayon naman kay New York Consul General Elmer Cato.