Hindi rin napigilan ng Filipino-American head coach ng Miami Heat na si Erik Spoelstra ang magpaabot ng labis na pagkadismaya sa panibagong masaker sa Amerika na ikinamatay ng humigit kumulang sa 20 katao na karamihan ay mga batang mag-aaral sa estado ng Texas.
Inamin ni Spoelstra, na naglaro sila kanina sa Game 5 kontra sa Boston Celtics na mabigat ang loob.
Ayon kay Spoelstra, hindi niya maaitago na maapektuhan din lalo na at meron din siyang mga anak na nag-aaral at ang kanyang misis ay dati ring nagtuturo.
Aniya, nais nilang makita na merong gagawing kongkretong aksiyon ang kanilang mga lider upang matigil na ang walang humpay na mga karahasan.
Bago ang laro kanina sa NBA Eastern Conference finals, nag-alay muna ang Miami Heat ng moment of silence bilang alay na dasal sa mga biktima ng mass shooting sa Robb Elementary School sa Uvalde, Texas.
Hinikayat din ng team ang mga fans na kontakin ang kanilang mga state senators at suportahan ang “common sense gun laws” at magrehistro para bomoto.
“It just continues to happen. I know everybody is saying there needs to be a call to action. I think what this is forcing people to do is just to figure it out, including myself,” ani Spoelstra. “We don’t have the answers but we want to be heard to be able to force people who can actually make the change.”