
Muling binuhay ng Philippine Association of Feed Millers Inc. (Pafmi) ang kanilang panawagan para sa pagpapatupad ng isang industry-based corn farming development program.
Ito ay kasunod ng inihayag kamakailan ng Department of Agriculture na nasa 59% na lamang ang sufficiency level ng mais sa bansa noong 2022 at patuloy na dumidipende ang ating bansa sa importasyon para mapunan ang kulang na suplay.
Ang mais kasi na isa sa essential crops na itinatanim sa halos lahat ng parte ng bansa ay ginagamit para sa animal feeds at sa iba pang industrial use.
Giit naman ng grupo na mababawasan ang pagdepende ng ating bansa sa importasyon kapag mayroong national corn development program na sasaklaw sa buong value chain mula sa mga bukirin hanggang sa makaabot ang na-produce na mais sa mga merkado.
Inihalimbawa pa ng grupo ang nabalangkas na yellow corn development roadmap noong nakalipas na dalawang taon kung saan kinilala ng mga stakeholder ang pangangailangan para sa isang efficient at matatag na supply chain ng industry inputs gaya ng binhi, pataba at iba pang inputs.
Ayon sa grupo, base sa National Corn Program’s 2022-2023 Corn Supply Outlook, ang tinatayang local corn output para sa feeds ay aabot sa 7.56 million MT ngayong taon kung saan nasa 6.35 million MT ay mapupunta sa animal feed mix. Bagamat ang domestic production ay hindi pa rin aniya sasapat kahit na walang mga bagyo na makakaapekto sa mga ani.
Kamakailan, nag-isyu ang DA ng isang circular para sa pagrolyo ng Corn Production Enhancement Project na layong mapataas ang mapoproduce kada ektarya ng dilaw at puting mais ng 3% bawat taon na magpapataas din ng income ng corn farmers at magpapalakas sa suplay ng dilaw at puting mais para sa domestic consumption at feed manufacturing.
Ang naturang inisyatibo ay nakatakdang ipatupad sa unang cropping o pagtatanim para sa crop year 2023.
Base sa data ng Philippine Statistics Authority (PSA) bumaba ang produksiyon ng mais sa bansa ng 4.7% o 2.03 million MT noong Nobiyembre 2022.










