Sa gitna nang maingay na usapin ng clinical trials sa COVID-19 vaccine ay wala pa rin daw natatanggap na aplikasyon ang Food and Drug Administration (FDA) para masimulan ito dito sa Pilipinas.
Ayon kay Dr. Jesusa Cirunay, director ng FDA Center for Drug Regulation and Research, inaabot ng 45 hanggang 60 araw ang normal na proseso ng approval ng clinical trial application.
Pero dahil sa pandemya ng COVID-19 ay mas magiging mabilis ang takbo ng proseso sa paga-apruba basta’t kumpleto ang mga dokumento.
Ang ikaapat at huling phase naman ng trial ay may working days na inaabot ng 70 hanggang 90 araw, na maaari rin pabilisan para sa COVID-19 vaccine.
“It will be lesser for COVID, provided that the documents submitted are complete. Kailangan namin ang kumpletong dokumento matanggap because we cannot process it kung kulang-kulang ang dokumento,” ani Cirunay sa isang online forum.
Sa ngayon hinihintay pa rin daw ng mga opisyal at eksperto na nakatalaga para sa COVID-19 vaccines ng Pilipinas ang impormasyon ukol sa Sputnik V ng Russia.
Isa raw kasi ito sa mga pagbabatayan para aprubahan ang clinical trial ng bakuna dito sa bansa.
Ayon sa Department of Health, hindi pa nagsisimula ang ikatlong phase ng trial ng Sputnik V sa Russia.