MANILA – Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na kailangan pa rin ng konsultasyon sa mga doktor ang paggamit ng virgin coconut oil laban sa COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya kasunod ng clinical trials na ginawa tungkol sa bisa ng VCO bilang supplement ng coronavirus patients.
“Ang VCO food supplement yan, so safe naman at walang side effect. Kaya lang hindi siya gamot katulad ng ibang dinisenyo as gamot. So kailangan pa rin magpatingin (sa doktor) kasi dinadagdag lang sya sa gamot ng mga pasyente,” ani FDA director general Eric Domingo sa interview ng Bombo Radyo.
Noong Disyembre nang i-ulat ng Department of Science and Technology ang resulta ng clinical trials sa virgin coconut oil, nang gamitin adjunct food supplement sa mga suspect at probable cases.
Lumabas sa pag-aaral na nakatulong ang VCO para bumuti ang lagay ng mga pasyente, bagamat kailangan pa ng karagdagang datos para mapatunayan ang bisa nito sa coronavirus.
Ayon kay Domingo, rehistrado naman sa Pilipinas ang VCO bilang food supplement. Binigyang diin lang ng opisyal ang importansya ng konsultasyon sa doktor bago ito gamitin ng COVID-19 patients.
“Ito ay widely available at mabibili sa mga retailers… pero hindi naman siya kapareho (ng mga gamot), kailangan mo pa rin magpa-check up ka o magpatingin sa doktor.”
Una nang sinabi ng DOST na nakatakda ring magsagawa ng VCO clinical trials ang Valenzuela City. Kasalukuyan namang lumalakad ang pag-aaral sa mga pasyente ng Philippine General Hospital.
Kamakailan nang mamahagi si Cabinet Sec. Karlo Nograles ng virgin coconut oil sa ilang ospital sa Metro Manila at Bulacan.