Ipinaliwanag ng Food and Drug Administration (FDA) ang prosesong pinagdadaanan ng mga gamot bago aprubahan at gamitin ng publiko.
Ito’y matapos mai-ulat na may ilang uri ng bagong gamot at “off-label drugs” para sa malaria at HIV ang pinag-aaralan para makapatay sa virus ng COVID-19.
“Kailangan ipakita yung lahat ng ingredients nung gamot na yon para siguradong walang nakasasama o harmful. Pagkatapos dadaan sa masusing clinical trial. Susubukan muna sa hayop, tapos susubukan sa mga tao na malulusog para malaman yung safety,” ani FDA director general Eric Domingo.
“Pagkatapos, susubukan naman siya sa taong may sakit para makita kung mayroon siyan efficacy o effectiveness na manggamot ng sakit na yon.”
Ang off-label drugs ay yung mga existing at manufactured ng gamot para sa ibang sakit, na sinusubukan gamitin bilang treatment sa ibang sakit.
Mahalaga raw na sumailalim sa clinical trial ang mga gamot, off-labeled man o bagong gawa, para matiyak ang kaligtasan ng tao at kung epektibo ito.
Sa ngayon pinahihintulutan lang ang off-label drugs bilang experimental treatment.
Nilinaw ni Usec. Domingo na wala pang aprubadong gamot o bakuna ang FDA laban sa COVID-19. Wala rin umanong pending na aplikasyon sa kanilang tanggapan.
Mandato naman daw ng mga doktor na ipaliwanag sa pasyente ang posibleng side effect kung gagamitan sila ng off-label drug.
May consent form umano na kailangan pirmahan ang pasyente bago sumailalim sa proseso nito.