Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa pagbili at pagkonsumo ng ilang produktong pagkain na hindi sumailalim sa proseso ng pagsusuri nito.
Ang FDA, sa pamamagitan ng online monitoring at post-marketing surveillance, ay kinumpirma na ang ilang mga produkto na kumakalat ay kulang sa tamang registration.
Gayundin, na walang kaukulang Certificate of Product Registration (CPR) na inilabas mula sa administration.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9711, na kilala rin bilang “Food and Drug Administration Act of 2009,” muling iginiit ng FDA na mahigpit na ipinagbabawal ang paggawa, pag-import, pag-export, pagbebenta, at iba pang kaugnay na aktibidad ng mga produktong pangkalusugan nang walang kaukulang awtorisasyon.
Binigyang-diin ng ahensya na ang mga hindi rehistradong produkto na ito ay nagdudulot ng mga potensyal na panganib dahil ang kalidad at kaligtasan nito ay hindi natiyak sa pamamagitan ng proseso ng pagsusuri ng FDA.
Hinimok ng FDA ang lahat ng kinauukulang establisyimento na huwag ipamahagi, i-advertise, o ibenta ang mga “violative food products” hanggang sa makuha nila ang kinakailangang Product Notification Certificate.
Pinayuhan ang mga mamimili na mag-ingat sa pagbili ng mga produktong pagkain, suriin ang wastong pagrehistro at certification ng FDA upang matiyak ang pagsunod ng mga produkto sa mga pamantayan sa kalusugan at kaligtasan.