-- Advertisements --

Tiniyak ng Food and Drug Administration (FDA) na may nakalinya ring “safeguards” o panuntunan na magbibigay kaligtasan sa populasyon na tuturukan ng COVID-19 vaccines na magagawaran ng emergency use authorization (EUA).

“Kapag naglabas tayo ng EUA, nakalagay doon lahat ng conditions. One of the most important is mayroon tayong very strong post-marketing, post-authorization monitoring,” ayon kay FDA director general Eric Domingo.

Paliwanag ng opisyal, may Adverse Event following Immunization Committee na ide-deploy sa bawat rehiyon na magbabantay sa posibleng epekto ng ituturok na bakunang may EUA. Katuwang ng FDA sa deployment ang Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH).

Bukod sa local health agencies, makikipag-coordinate din daw ang FDA sa international regulatory agencies para sa monitoring ng bakuna na binigyan nila ng EUA.

“Ang importante dito ay very strong ang ating monitoring, surveillance. Kailangan passive and active na surveillance with the FDA and DOH at the level of munisipyo, barangay, probinsya, sa region at central office.”

Responsibilidad ng nasabing komite na i-report sa regional offices ang maitatalang adverse events tulad ng pananakit ng braso, sinat o lagnat ng mga indibidwal na isasailalim sa COVID-19 vaccination.

“If there’s any serious adverse events, something happens within the 24 hours (follwing) of the vaccination. For example, something serious happens, whether or not sigurado na connected sa bakuna o hindi, kailangan i-report yan… DOH and FDA will investigate and decide to pause, stop or continue the vaccination.”

Sa susunod na linggo posibleng maglabas ng guidelines ng FDA tungkol sa proseso ng aplikasyon para sa mga vaccine developers na nais din makakuha ng EUA mula sa Pilipinas.

Kamakailan nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 121 na nagbibigay kapangyarihan sa ahensya na maggawad ng EUA sa mga COVID-19 drugs at vaccines.