-- Advertisements --

Posibleng sa Enero ng susunod na taon ay makapaggawad na raw ng emergency use authorization (EUA) ang Food and Drug Administration (FDA) sa isang bakuna ng COVID-19.

Ito ang inamin ni FDA director general Eric Domingo matapos maglabas ng executive order si Pangulong Rodrigo Duterte na nagbibigay kapangyarihan sa ahensya na maggawad ng EUA sa mga COVID-19 drugs at vaccines.

“Kung mag-aapply sila (vaccine developers) sa atin within the month, then its possible that we will be able to issue the EUA within another 3-4 weeks, so sa January,” ani Domingo sa isang press briefing nitong Huwebes.

“Then maaari ng magsimula ang proseso ng pag-procure ng pamahalaan ng bakuna para makakuha ng allotment at supply na madala sa Pilipinas,” dagdag ng FDA director general.

Ibig sabihin nito, posibleng pagdating ng Marso ay may dumating ng mga bakuna ng COVID-19 sa bansa. Mas maaga kumpara sa tantsa ng ilang eksperto at opisyal na ikalawang quarter pa ng 2021.

Paliwanag ng opisyal, posibleng aabutin lang ng 21 hanggang 28 araw ang kanilang evaluation sa aplikasyon ng isang vaccine developer basta’t kumpletong requirements ang kanilang ipapasa.

“Maaaring mas maiksi yan kasi depende talaga sa kakumpletuhan ng isa-submit nila… yung 21-28 days maaaring mapaiksi ‘yan.”

“Pero hindi naman masyadong maiksing-maiksi kasi kailangang intindihin natin na applicable dito sa Pilipinas yung datos na ipapakita sa atin,” dagdag ni Domingo.

Lahat ng EUA application na ipapasa sa FDA ay dadaan sa technical evaluation ng mga eksperto ng kanilang Centers for Drugs. Mayroon ding hiwalay na pagsusuri para sa kaligtasan at efficacy ng bakunang mag-aapply.

“Yung efficacy ginagamit (na term) during the time na dine-develop ang bakuna. Very controlled kasi yung clinical trial, ibig sabihin napipili natin yung pasyente… so kapag sinabi na ang efficacy (ng bakuna) ay 90%, ibig sabihin kung sa 100 na binakunahan ay 90% na-protektahan at yung 10 (percent) ay nagkasakit.”

“Kapag ang bakuna ay ginamit na, nilabas sa barangay o municipality, doon na natin tinatawag yung effectiveness kasi hindi na nating kontrolado yung mga posibilidad na will affect yung paggamit ng vaccines.”