Binigyang diin ng Food and Drug Administration (FDA) ang paalala nito sa publiko na nagbabawal sa paggamit ng face masks na mayroong exhaust valves.
Ayon kay FDA director general Eric Domingo, hindi naka-disenyo para sa medical use ang valve masks dahil ito’y ginagamit sa mga industrial sites.
Paliwanag ng opisyal, dapat “two-way” ang proteksyong binibigay ng face maks. Ibig sabihin proteksyon laban sa pagkahawa at makapanghawa ang binibigay nito.
“Mas madali nga syang gamitin. Pero kung ako ay may virus huminga ako at nagexhale ako yung ibubuga kong hangin maaaring lumabas doon sa maskara at maexpose yung ibang mga tao,” ani Domingo.
Paalala ng FDA chief, surgical at N95 masks lang dapat na rehistrado sa ahensya ang ginagamit ng health care workers sa mga pasilidad.
Para naman sa publiko, maaari nang gamitina ng cloth mask para sa araw-araw na mga aktibidad.
“Mas gusto pa natin gumamit ng cloth mask lalo na yung may 2 o 3 layer na cloth dahil mas nakakaprotekta ito,” ani Domingo.










