Itinanggi ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang umano’y alegasyon na mayroon itong $2 million na pabuya para sa ikadarakip ni Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy at ng kaniyang 2 associates na kasalukuyang wanted sa Estados Unidos dahil sa patung-patong na kaso.
Nilinaw ni FBI Public Affairs Specialist Laura Eimiller na bagamat mayroong arrest warrant laban kay Pastor Quiboloy, wala itong nalalaman hinggil sa alegasyon na mayroong iniaalok na pabuya para sa pagdakip kay Quiboloy at sa kaniyang kasamahan pa na sina Teresita Dandan at Helen Panilag.
Ginawa ng FBI ang paglilinaw matapos isiwalat ngayong araw ni Pastor Quiboloy sa isang audio message na nalaman umano niya mula sa reliable resources na nag-aalok ang gobyerno ng Amerika ng $2 million bilang pabuya para sa pag-aresto sa kaniya at para dispatiyahin sa pamamagitan ng rendition.
Sa kasalukuyan, nahaharap si Pastor Quiboloy, na nagpahiwatig na nasa Pilipinas, sa 43 bilang ng magkakaibang kaso sa US subalit una ng pinabulaanan ito ng kampo ng kontrobersiyal na religious leader at self-proclaimed appointed son of God.
Kabilang sa mga kinasasangkutang kaso ni Quiboloy at kaniyang associates ay conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, and coercion, sex trafficking of children, conspiracy, at bulk cash smuggling.