-- Advertisements --
cropped Palay rice farm farmers harvest 5

Umabot sa P19 kada kilo ang farmgate price ng palay noong Mayo bunsod ng mataas na halaga ng nagastos sa produksyon.

Base sa latest data mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na ang kada kilo ng farmgate price ng palay ay nasa 10.6% mas mataas kumpara sa P17.24 na naitala sa parehong buwan noong nakalipas na taon.

Nakapagtala rin ng mas mataas na average farmgate price ang lahat ng rice producing regions sa bansa gaya ng Northern Mindanao na nakapagtala ng pinakamataas na paglago na 20% o P21.26 kada kilo.

Habang sa Cordillera Administrative Region naman ay nakapagtala ng pinakamababang taunang pagtaas na nasa 5.2%.

Iniulat din ng PSA na nakapagtala ang Caraga region ng pinakamababang farmgate price na nasa P17.49 kada kilo.

Base naman sa month-on-month basis, lumalabas sa data ng PSA na tumaas ang farmgate price ng palay ng 1.4% mula sa P18.79 kada kilo noong Abril.

Sa lahat ng 16 na rehiyon, nasa 13 dito ang nakapagtala ng pagtaas sa farmgate mula noong Mayo.

Sa kabilang banda naman sinabi ni Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo na ang pagtaas ng farmgate price noong nakaraang buwan ay nataon sa pagtatapos ng anihan.

Saad din nito na dahil sa mataas na halaga ng inputs, mas mababa ang naani ng mga magsasaka ng palay ngayong season.