-- Advertisements --
DOJ

Nagsampa na ang National Bureau of Investigation Environmental Crime Division ng falsification of public documents at perjury complaints laban sa may-ari ng motor tanker na MT Princess Empress na lumubog sa karagatan ng Oriental Mindoro mahigit tatlong buwan mula nang magsimulang tumagas ang langis noong Pebrero.

Maliban sa mga opisyal ng RDC Reield Marine Service, ang kompanyang nagmamay-ari ng lumubog na oil tanker ay kabilang din ang mga tripulante ng MT Princess Empress, mga miyembro ng Philippine Coast Guard at mga opisyal ng Maritime Industry Awtoridad (MARINA).

Sinabi ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano sa isang streamed press conference na isa rin sa complainant si Pola Mayor Jennifer Cruz.

Ayon kay ASec Clavano, ngayon lamang inihain ang reklamo dahil nakatuon aniya ang ginagawang pagsisikap ng gobyerno sa paglilinis sa tumagas na langis.

Sinabi ni Clavano na isa sa mga reklamong inihain ay ang umano’y multiple counts of falsification ng mga pribadong indibidwal. Ito ay isinampa laban sa pitong incorporator at director ng RDC Reield Marine Services, anim na tripulante ng MT Princess Empress at 19 na coast guard personnel na may iba’t ibang ranggo.

Ang partikular na reklamo ay ukol sa napekeng dokumento na Certificate of Public Convenience, na isang permit na ibinibigay ng MARINA sa mga barko para sa pampublikong paggamit.

Samantala, pinangalanan naman bilang mga respondent ang mga kapitan ng barko dahil natukoy ang mga ito bilang general agents habang ang mga miyembro ng PCG ay kasama sa reklamo dahil sila ay may tungkulin sa pagsasagawa ng pre-departure inspection ng mga sasakyang pandagat gaya ng pag-verify kung ang CPC ay valid.

Saad pa ni Calavano na ang ikalawang reklamo ng multiple counts of falsification of public o official documents sa ilalim ng Article 171 ng Revised Penal Code ay isinampa rin laban sa dalawang opisyal ng MARINA at dalawang opisyal ng kumpanya. Inakusahan sila ng pakikipagsabwatan upang iligal na mairehistro ang MT Princess Empress gamit ang mga pekeng dokumento.

Isang perjury complaint din ang isinampa laban sa dalawang opisyal ng kumpanya ng RDC Reield Marine Services dahil sa supporting documents na ginamit para sa tonnage measurement certificate.

Sinabi ni Clavano na mayroong 22 attachment sa reklamo kung saan lahat aniya ng supporting documents ay pineke para lang magmukhang bago ang barko.

Nauna nang sinabi ng MARINA na ang oil tanker ay walang permit para maglayag sa simula’t sapul pa lamang pero pinayagan pa rin ng coast guard ang MT Princess Empress na umalis sa pantalan.

Samantala, naghahanda din ang DOJ ng mga reklamo kaugnay sa environmental crimes gayundin sa graft at corruption na maaaring ihain sa mga susunod na linggo.