-- Advertisements --

Hinihintay na ang nakatakdang anunsyo ni Foreign Secretary Dominc Raab tungkol sa suspensyon ng extradition treaty ng United Kingdom sa Hong Kong.

Bunsod pa rin ito ng mas lumalalang tensyon sa pagitan ng London at Beijing makaraang ipatupad ng huli ang kontrobersyal na national security law sa Chinese territory.

Nakatakdang magbigay ng pahayag si Raab sa Parliament hinggil dito at ilalatag din umano nito ang extradition arrangement ng Britanya bilang respeto sa Hong Kong.

Una nang nag-alok ang UK ng residency rights sa halos 3-milyong mamamayan ng Hong Kong ngunit hindi ikinatuwa ng China ang tila pangingialam daw ng UK sa kasalukuyang nagaganap sa naturang teritoryo.

Nanindigan kasi ang Beijing na mananatili itong tapat sa pagpapatupad ng international law.

Sa ilalim ng extradition treaty, maaaring hingin ng British authorities ang kustodiya ng sinomang sangkot sa krimen sa UK na kasalukuyang naninirahan sa Hong Kong at vice versa.

Mayroong extradition agreement ang Hong Kong sa 19 na bansa kasama na rito ang Canada at Australia na tuluyan nang winakasan ang naturang kasunduan sa nasabing rehiyon dahil sa bagong security law ng China.