Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Catalina Municipal Police station ang isang lalaki matapos itong matagumpay na naaresto sa isinagawang entrapment operation ng Regional Anti-Cybercrime Unit 7 (RACU 7) noong Lunes, Oktubre 3, sa Brgy. Cawitan, Sta. Catalina, Negros Oriental dahil sa paglabag sa Anti-Cybercrime law.
Nakilala ang naaresto na si Ramel Barbarona, 37, residente ng nabanggit na lugar.
Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, pinagbantaan pa ni Barbarona ang isang negosyanteng Canadian na naninirahan sa Dumaguete City na ilalabas ang mga larawan ng pribadong ari nito kapag hindi siya magbabayad ng 500 dolyar o katumbas ng P30,000.00 pesos.
Nagpakilala pa ang suspek sa biktima bilang “Amara Wang” sa online dating site at “Cyrille Iris Hammon” (Bby) naman sa Facebook messenger.
Nagbigay ng paunang bayad na P5,000 ang biktima sa pamamagitan ng pagpapadala sa remittance center.
Ngunit nang kulitin na itong ipadala ang kabuuan, agad na itong himingi ng tulong sa RACU.
Nagsagawa naman ng entrapment operation ang mga otoridad at doon nadakip ang suspek habang nagclaim ito ng pera.
Nahaharap ngayon ang suspek sa paglabag sa Article 6 ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.