Executive Secretary ni Cebu City Mayor Mike Rama, may sagot sa isyu ng umano’y nepotismo na isinampa ng isang indibidwal laban sa alkalde
Wala pa umanong nakikitang ilegal si Atty. Collin Rosell, Executive Secretary ni Cebu City Mayor Mike Rama kaugnay sa dalawang empleyado ng City hall na kinwestyon dahil tinanggap umanong casual worker ang mga ito kahit mga kapatid ng asawa ng alkalde.
Naglabas ng pahayag si Rosell matapos sinampahan si Rama ni Jonel Saceda alyas “Inday Josa Chongbian Osmeña ng kasong umano’y nepotism, grave misconduct, at graft and corruption.
Binanggit ng complainant ang 1987 Constitution na nagbabawal sa alkalde na magtalaga sa mga office relations hanggang sa third degree.
Hinihiling din ng complainant sa Ombudsman na suspindihin si Rama habang nireresolba ang reklamo.
Paliwanag pa ni Rosell na nagtatrabaho na sa City Hall ang dalawang pinag-uusapan bago pa nagpakasal ang alkalde sa kapatid ng mga ito noong Oktubre 2021 noong siya ay vice mayor pa.
Hindi naman umano ito dapat ikabahala dahil may grupo ng mga abogado ang lungsod na naka-assign para tutukan ang isyu at may departamento para sa ganung mga bagay.
Humiling din ito sa mga empleyado ng City Hall na ipagdasal na sana ay makamit ng alkalde ang kanyang bisyon para sa isang Singapore-Like Cebu City.