Pinatawag si dating Pangulong Donald Trump na tumestigo at magbigay ng mga dokumento sa House of Representative committee na nag-iimbestiga sa nangyaring riot o pag-atake ng kaniyang mga supporters sa US Capitol.
Ayon sa committe na nagpadala na ito ng subpoena kay Trump na humihiling para magsumite ito ng dokumento sa panel sa Nobiyembre 4 at humarap ito para sa deposition testimony bago o sa mismong Nobiyembre 14.
Ang deposition testimony ay tumutukoy sa closed-door, videotaped questioning sa testigo kung saan ang naturang testimoniya ay maaaring isapubliko at maging bahagi ng final report ng special panel.
Sa sulat pa ng committe kay Trump, nakasaad na napatunayan sa mga nakalap na ebidensiya at isinagawang pagdinig kabilang ang galing sa ilan sa dating appointees at staff ni Trump na personal na umano itong nag-orchestrate at may malaking ambag sa effort na ma-overturn ang 2020 presidential election at hadlangan ang mapayapang paglipat ng kapangyarihan.
Kabilang sa ipinasusumiteng dokumento kay Trump ay ang detalyadong pakikipag-komunikasyon nito sa loob ng ilang buwan hanggang sa mangyari ang riot noong January 6 sa mga mambabatas, Oath Keepers at Proud Boys members, gayundin ang associates at former aides, kabilang sina Roger Stone, Steve Bannon, Michael Flynn at Rudy Giuliani.
Magugunita na noong January 6, 2021, libu-libong mga supporters ni Trump ang lumusob sa US capitol matapos ang maanghang nitong talumpati sa isang rally malapit sa White house kung saan sinabi nito na ang kaniyang pagkatalo sa 2020 presidential election kay US President Joe Biden ay resulta ng fraud o pandaraya.