-- Advertisements --

Kung siya lang ang masusunod, sinabi ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na dapat sunugin ng buhay ang pulis na nakapatay sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac kamakailan.

Ginawa ng kongresista mula Davao del Norte ang naturang pahayag sa gitna ng usap-usapan nang muling pagbuhay sa pagpataw ng parusang kamatayan makaraang pagbabarilin ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sina Sonia Gregorio at anak nitong si Frank Anthony.

Matatandaan na isa si Alvarez sa mga kongresistang nagsusulong sa muling pagpataw ng parusang kamatayan para sa mga ikinukonsiderang heinous crimes.

Ayon kay Alvarez, ang Senado ang dapat na tanungin patungkol sa reimposition ng death penalty sapagkat hindi ito inaprubahan nang mataas na kapulungan noong 17th Congress nang aprubahan ng Kamara.

Samantala, naniniwala si Alvarez na dapat magkaroon na ng overhaul sa Philippine National Police dahil malamang ay mayroon aniyang may psychological disorder sa ilang mga pulis na hindi dapat pahawakin ng baril.