-- Advertisements --

Humarap na ngayong Biyernes, Abril 24 sa Sandiganbayan ang State witness na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) USec. Roberto Bernardo.

Matatandaang, hindi nakadalo sa bail hearing nina dating Senador Ramon Revilla Jr. at kaniyang kapwa akusado kahapon dahil nagkasakit ito, base na rin sa kumpirmasyon ng resident doctor ng anti-graft court.

Sa kaniyang pagharap sa korte ngayong araw, nakasuot ng face mask si Bernardo alinsunod na rin sa utos ni Sandiganbayan Third Division chairperson at Associate Justice Karl Miranda.

Sa pagtestigo ni Bernardo sa korte, isiniwalat niya ang umano’y tatlong cash deliveries kay Revilla.

Aniya, personal niyang ibinigay ang unang anim na kahon at isang paper bag na naglalaman ng P125 million noong Disyembre 2024, kung saan kasama umano niya noon ang kaniyang driver, na si Isko Dela Fuente.

Noon namang Pebrero 2025, ang kaniyang aide na si Niño Garcia ang naghatid na ng 13 kahon na nagkakahalaga ng P250 million.

Ang ikatlong cash delivery naman ay nangyari aniya noong Marso ng nakalipas na taon, kung saan personal niyang idineliver ang karagdagang P125 million na nakalagay sa anim na kahon.

Ang isinasagawang bail hearing ay may kaugnayan sa kasong malversation na kinakaharap nina Revilla at limang iba pa niyang kapwa akusado kaugnay sa ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.