-- Advertisements --

Inilunsad ng Department of Energy (DOE) ang isang bagong lingguhang kampanya na layong hikayatin ang publiko na magtipid sa kuryente, kahalintulad ng Earth Hour.

Sa ilalim ng programang “Oras Natin sa Efficiency” o ONE campaign, hinihikayat ang mga household, negosyo, paaralan, at iba pang organisasyon na patayin ang mga hindi kailangang ilaw at i-unplug ang mga hindi ginagamit na appliances tuwing Sabado mula ala-8:00 ng gabi hanggang ala-9:00 ng gabi.

Ayon sa DOE, layunin nito na maipakita na malaking tipid sa kuryente ang maaaring makuha kapag sabay-sabay na nagtitipid ang publiko. Sinabi rin ng ahensya na makikipagtulungan sila sa pribadong sektor at mga paaralan para palawakin ang kampanya.

Nauna nang naitala na nakapagbawas ang Pilipinas ng 145.43 megawatts ng power demand noong Earth Hour ngayong taon, na katumbas ng konsumo ng humigit-kumulang isang milyong kabahayan.

Tiniyak naman ng DOE na walang inaasahang power interruption sa kabila ng umiiral na isyu sa enerhiya, at binigyang-diin na maliit na bahagi lamang ng power supply ng bansa ang mula sa diesel.

Kasabay nito, nanawagan si Senador Loren Legarda ng mas malawak at agarang environmental action, kabilang ang rehabilitasyon ng watershed at pagtatanim ng mangroves, upang mapalakas ang proteksyon laban sa epekto ng climate change at global energy crisis.