Matapos maabswelto sa kasong plunder si Senator Jinggoy Estrada, nanindigan si dating Senator Leila de Lima na mayroong matibay na kaso laban sa Senador nang ihain ng DOJ-NBI Special Task Force ang reklamo noong 2014.
Matatandaan na si De Lima ang kalihim ng Department of Justice (DOJ) noong panahon na inihain ang kasong plunder may kaugnayan sa pork barrel scam laban kay Sen. Jinggoy at kina Senator Ramon Revilla Jr. at dating Senate President Juan Ponce Enrile kasama ang negosyante na si Janet Lim-Napoles.
Saad ni De Lima na ito umano ay pinagtibay ng mga naging pahayag ng middlewoman na si Ruby Tuason na nagsabing direkta siyang nakipag-ugnayan kay Sen. Jinggoy at Napoles kaugnay sa PDAF funds ni Estrada.
Kahit pa aniya sinabi na ni Benhur Luy, isa sa mga whistleblower na naglantad sa pork barrel scam na kinasangkutan ng ilang mga senador at kinatawan ng Pilipinas, na personal niyang iniabot ang kickbacks ni Sen. Jinggoy sa kaniyang secretary na si Pauline Labayen na naging missing mula noon.
Palaisipan din sa Senadora kung bakit hindi sapat ang ebidensiya para suportahan ang naturang hatol.
Sa kabila nito, sinabi ni De Lima na tinatanggap niya ang naging desisyon ng Sandiganbayan kay Sen. Estrada na guilty sa kasong direct at indirect bribery.
Ayon pa sa Senadora mayroong tiyansa na baguhin ng Korte Suprema ang naging hatol ng Sandiganbayan sa pag-abswelto o plunder conviction sakaling iapela ito ni Estrada.
Una rito, malugod na tinanggap ni Sen. Jinggoy ang pagkakaabswelto niya sa plunder na aniya ay vindication sa kaniyang pangalan.