
Nilinaw din ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na hindi nakipagkasundo ang kanyang administrasyon sa China para tanggalin ang BRP Sierra Madre, isang barko noong World War II na sinadyang isinadsad noong 1999 upang magsilbing military outpost sa West Philippine Sea.
Paliwanag ng dating Pangulo at kasalukuyabg House deputy speaker na hindi ito gumawa ng naturang pangako sa China o sa alinmang bansa.
Pangalawa, hindi rin aniya nito pinahintulutan ang sinuman sa kaniyang mga opisyal na gumawa ng ganoong pangako sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Pangatlo, nalaman na lamang aniya ng dating pangulo ang mga naturang claim ng China kamakailan nang lumabas sa mga pampublikong talakayan ang naturang usapin.
Una ng sinabi ng ilang diplomat ng Tsina na nakipagkasundo umano ang China sa PH sa pagtanggal ng outpost sa pagitan ng taong 1999 at 2003, mga taon sa pagitan ng pamumuno noon ng mga administrasyon ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada at dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Una na ring itinanggi ng mga anak ni Estrada na sina Senator Jinggoy Estrada at Senator JV Ejercito na nakipagkasundo ang kanilang ama sa China na tanggalin ang BRP Sierra Madre.








