Nakalabas na ng ospital si dating Comelec chairman Benjamin Abalos Sr. matapos na maka-recover sa COVID-19, ayon sa kanyang anak na si dating Mandaluyong mayor Benhur Abalos.
Sa isang panayam, sinabi ng nakababatang Abalos na ang kanyang ina, na si Cora, na naka-confine din dahil sa COVID-19, ay bumubuti na rin ang kalagayan.
Sinabi ni Benhur na posibleng alisin na rin ngayong araw, Hulyo 30, 2020, ang tubes na nakalagay sa kanyang ina.
Ayon kay Benhur, malaking development na ito lalo pa at lumala ang kondisyon ng kanyang ina noong Hulyo 19, dalawang araw matapos na magpositibo silang mag-asawa sa COVID-19.
Samantala, inamin naman ni Benhur na maging siya ay nagpositibo rin sa COVID-19 matapos na manatili siya sa ospital para samahan ang kanyang mga magulang.
Pero sa ngayon, bumubuti na rin aniya sa ngayon ang kanyang kondisyon matapos na inumin niya ang Chinese medicine na ibinigay sa kanya ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos.










