Pinasusumite ng ebidensya ng Sandiganbayan sina dating Philippine National Police chief Alan Purisima at 10 kapwa akusado na magpapatunay na sila ay inosente hinggil sa umano’y maanomaliyang government contract na pinasok ng PNP sa courier firm na Werfast sa ilalim ng kanyang termino.
Ito ay matapos na hindi pinagbigyan ng Sixth Division ng anti-graft court ang motion ng mga akusado na makapaghain ng demurrer to evidence na may kasamang leave of court.
“After carefully reviewing the accused’ respective motions and the prosecution’s evidence, this Court resolves to deny the respective motions of the accused,” sambit ng korte.
“The accused are given five days from receipt of this Resolution to file their respective manifestations, by personal service or through courier, to inform this Court whether they are submitting their demurrer to evidence without leave of court,” dagdag pa nito.
Bukod sa Werfast case, nahaharap din si Purisima sa kasong usurpation of authority at graft sa Sandiganbayan dahil naman sa pagkakasangkot nito sa pagpaplano ng January 2015 anti-terrorism operation para mahuli ang international terrorist na si Zulkifli bin Hir alias Marwan at Filipino bombmaker Basit Usman sa Mamasapano, Maguindanao.
Si Purisima ay sangkot sa pagpaplano ng naturang operasyon kahit pa sinuspinde siya ng Ombudsman noong mga panahon na iyon.