BAGUIO CITY – Handa umanong harapin ng Alab Tala Class of 2018 valedictorian ng Philippine Military Academy (PMA) ang mga bumabatikos sa paaralan matapos pumutok ang ulat na isang kadete nito ang namatay dahil sa hazing.
Sinabi ni 2nd Lt. Jaywardene Hontoria, hindi patas ang bansag ngayon ng ilan sa PMA bilang lungga ng karahasan at patayan.
Dinepensahan ng dating estudyante ang paaralan matapos ipanawagan ng ilan na maipasara ito.
Inanunsyo kasi ng pamunuan ng PMA na hazing o maltreatment ang sanhi ng pagkamatay ni Cadet 4CL Darwin Dormitorio.
“Average po na edad ng kadete at plebehood is around 18 na ibig po sabihin ay meron na syang halos 18yrs na existence to somehow develop himself/herself sa taong gusto niya maging. In those years, andiyan po yung family niya, friends, school and the rest of the environmental factors. Napaka.unfair lang po sa side ng PMA na diumano lungga ng mga mamamatay tao na kailangang ipasara na agadagad well in fact meron lang po siyang 4 yrs para i-mold ang isang kadete at sa loob po ng apat na taong iyon ay wala po siyang itinurong mali bagkos puro mga ideal na mga bagay.”
Ayon kay Hontoria, walang itinurong masama o hindi patas ang akademiya sa loob ng apat na taon niyang pag-aaral dito.
Nanindigan din ito na sinasalang mabuti ng mga opisyal ang pagtanggap sa mga kadete naga-apply.
Nirerespeto naman daw nito ang pagkawala ng paniniwala ng ibang magulang sa PMA pero hiling nito na sana huwag mawala ang kanilang respeto sa mga bumubuo ng akademiya.
Tiniyak din ni Hontoria na mapapanagot ang mga nasa likod ng pagkamatay ni Dormitorio.