Kumbinsido si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Alexander Balutan na ilang makapangyarihang katao ang nasa likod ng pagkakatanggal nito sa pwesto.

Sinabi ni Balutan, tinawagan siya ni Executive Secretary Salvador Medialdea na nagsabing may ilang kataong gusto siyang mawala sa PCSO.

Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo, inihayag ni Balutan na ipinagmamalaki nito ang kanyang naging desisyon at siya ay nananatiling taas-noo.

“You will more proud of me of my decision. “Bring back the pride; always stand tall. God bless the Filipino nation,” ani Balutan sa Bombo Radyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi na mahalaga kung sinibak o pinagbitiw si Balutan basta siya ay wala na sa PCSO dahil sa alegasyon ng korupsyon.

Kung may ebidensya, kakasuhan daw si Balutan pero walang nabanggit kung ano ang detalye ng paratang laban sa retiradong heneral.