-- Advertisements --

Ipinadi-disqualify sa Comelec si dating Palawan Governor Mario Joel T. Reyes, na tumatakbo muli sa dating puwesto.

Sa 16 na pahinang petition for disqualification, iginiit ng mga petitioner na sina Nasir Radjudin Miranda at Mohammad Vinarao Asgali pawang mga residente ng Batazar Palawan na hinatulan na si Reyes ng Sandiganbayan na guilty sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na may parusang pagkakulong at perpetual disqualification sa pagkakaroon ng puwesto.

Hiniling rin ng mga petitioner sa Comelec na ikansela ang certificate of candidacy ni Reyes dahil sa pagiging “fugitive from justice” nang umalis ito palabas ng bansa upang takasan ang warrant of arrest na inisyu laban sa kaniya ng korte kaugnay sa pagpatay sa environmentalist at broadcaster na si Dr. Gerry Ortega.

Naaresto si Reyes sa Thailand noong 2015 at ibinalik sa Pilipinas para harapin ang mga kaso.

Magugunita, August 2017 hinatulang guilty ng Sandiganbayan Third Division si Reyes at pinatawan ng anim hanggang walong taon na pagkakulong.

Binawalan rin ito na humawak ng posisyon sa anumang sangay ng pamahalaan.

Nagsampa ng petition for review si Reyes sa Third Division ng Supreme Court ngunit kinatigan lamang ng SC ang desisyun ng Sandiganbayan.

Dahil dito, sinabi ng mga petitioner na malinaw na hindi maaring tumakbo sa 2022 National and Local Elections si Reyes.