-- Advertisements --

Binigyang-diin ni former associate justice Antonio Carpio na hindi ang konstitusyon ang may problema sa foreign investments ng bansa kundi ang mataas na singil sa kuryente, ang proseso ng pag-apply ng negosyo, at imprastraktura. 

Ayon kay Carpio, Pilipinas ang may pinakamataas na singil sa kuryente sa buong ASEAN o Association of Southeast Asian Nation at ikalawa sa buong Asya. Mas pinipili umano ng mga dayuhan na mag-invest sa ibang bansa gaya ng Vietnam dahil mura ang kuryente roon.

Ikalawang tinukoy na problema ni Carpio ang bureaucracy o proseso ng aplikasyon ng negosyo at investment dito sa bansa. Aniya, kailangan pa umanong pumunta sa barangay, mayor, at iba’t ibang opisina para makakuha ng permit. 

Hindi raw katulad sa ibang bansa sa Asya gaya ng Vietnam at China na isang opisina lamang ang pinupuntahan at makukuha na ang lahat ng kinakailangang permit. 

Huling idinagdag ng dating mahistrado ang imprastraktura ng bansa. Aniya, nahuhuli ang ating mga paliparan at ibang mga imprastraktura kumpara sa mga kalapit na bansa. 

Ang tatlong problemang ito umano ang kailangang masolusyonan at bigyang-pansin ng pamahalaan dahil ito raw ang ‘real causes’ ng problema ng foreign investments at hindi ang 1987 constitution. 

Ito ay inihayag ni former associate justice Antonio Carpio sa ginanap na  public hearing ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes ngayong araw.