-- Advertisements --

Nanindigan si dating Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na legal at kailangan ang paglilipat ng mahigit P41 million na pondo sa Procurement Services of the Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa pagbili ng COVID-19 supplies sa kabila ng kinakaharap nitong graft charges.

Ipinaliwanag ni Duque sa kaniyang pagharap sa isinagawang briefing ng House appropriations panel sa performance ng DOH na dumipende sila sa expertise ng PS-DBM at suppliers nito para sa pagpopondo ng kinakailangang personal protective equipment at iba pang essential goods at services para sa emergency response dahil sa severity ng public health emergency noong kasagsagan ng pandemiya.

Sinabi din nito na nakasalalay sa pagbili ng PPE ang buhay ng healthcare workers kayat ginawa ang paglilipat ng pondo na ginabayan ng awtoridad ng PS-DBM na iginawad ng iba’t ibang batas at regulasyon sa ilalim ng Procurement Law.

Inihayag din ni Duque na hindi nila pwedeng ilagay ang buhay ng healthcare workers sa banta ng malawakang impeksiyon at hindi mabilang na pagkamatay na posibleng humantong sa pagbagsak ng buong healthcare system ng bansa.

Hindi din aniya tayo magkakaroon ng pagkakataong lumaban kung wala ang unang tranche ng mga PPE na siyang lifeline ng mga healthcare worker.

Sa kasagsagan din aniya ng pandemic response, kanilang isinaalang-alang ang kapakanan ng ating mamamayan sa pangkalahatan at partikular na ng ating healthcare workers na backbone ng ating healthcare system.

Una rito, matatandaan na ipinag-utos ni Ombudsman Samuel Martires ang paghahain ng reklamong katiwalian laban kina Duque at dating Budget USec. Christopher Lao dahil ilegal umano ang paglilipat ng multi-bilyong pondo para sa pagbili ng COVID-19 supplies noong Marso 2020 sa PS-DBM dahil hindi ito saklaw sa ilalim ng common use supplies na pinayagan ng PS-DBM na bilhin. Umapela naman si Duque sa naging desisyon ng Ombudsman.