-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Balik kulungan ang isang ex-detainee matapos saksakin at mapatay ang 21-anyos na kapitbahay bandang alas-11:30, Lunes ng gabi sa Sitio San Roque, Purok 6, Barangay Tigayon, Kalibo, Aklan.

Nakilala ang biktimang si Christian Tuban, walang asawa habang arestado ang suspek na si Hazel Diangson, kapwa residente ng naturang lugar.

Base sa report, matapos marinig ang pag-iingay ng suspek ay lumabas nang bahay ang biktima at nagkaroon sila ng pagtatalo.

Bigla umanong sinaksak ng suspek ng dalang patalim ang biktima na tinamaan sa kaliwang dibdib.

Nagawa pang makatakbo ni Tuban sa kanyang ina at sinabing nasaksak siya ni Diangson.

Naisugod pa sa Panay Health Care Hospital ang biktima subalit patay na nang makarating.

Dakong alas-7:00, umaga ng Martes, naaresto si Diangson sa kanilang bahay matapos na tumakas nang magawa ang krimen.

Sinasabing bagong laya lamang ang suspek na sakit umano ng ulo ng kanilang barangay.

Kasalukuyang nakapiit sa Kalibo Municipal Police Station at nakatakdang sampahan ng kasong homicide.