Inihayag ng legal counsel ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. na posible umano silang maghain ng isang petisyon upang hilingin sa korte na payagan itong makapagpyansa.
Bagama’t patung-patong ang mga kinakaharap na kaso ng dating kongresista sa iba’t ibang mga korte sa bansa, ito’y kanila pa ring ikinukunsidera.
Ayon kasi sa kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio na ang paghahain ng ‘petition for bail’ ay kanila pang pag-uusapang gawin bilang hakbang sa kampo ni former Congressman Arnie Teves Jr.
Aniya’y hindi malayong gawin nila ito ngunit agaran naman niyang nilinaw na kanila pa muna itong pagpupulungan lalo na sa parte ng legal counsel nito.
Kung saan ipinaliwanag ng abogadong si Atty. Topacio na halos kararating lamang ni dating Congressman Arnie Teves Jr. sa Pilipinas buhat ng siya’y mapabalik mula sa bansang Timor-Leste.
Kaya’t asahan at antabayanan na lamang raw ng publiko kung anong susunod na hakbang ang kanila pang gagawin upang depensahan ang dating kongresista kontra mga alegasyon at kinasasangkutan nitong mga kaso.
“That is a distinct possibility, yun nga po pagpupulungan pa namin. As I’ve said, Mr. Teves has been here for only six (6), seven (7) days but that is in the works po,” ani Atty. Ferdinand Topacio (Legal counsel, Former Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr.).
“Kumbaga eh, abangan ang susunod na kabanata,” dagdag pa ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni ex-Cong. Teves Jr.
Si former Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. ay kumakaharap sa mga kasong may kinalaman sa pagpatay, illegal possession of firearms, illegal possession of explosives at iba pa.
Kabilang din dito ang alegasyon sa kanyang pagiging sangkot umano sa pagpaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo noong taong 2023.
Kung saan inaakusahan at itinuturo siyang mastermind sa likod ng madugong pagpatay, dalawang taon ang nakalilipas.
Ngunit sa kabila ng mga patung-patong na kasong kinakaharap nito, ipinagmalaki naman ng kanyang legal counsel ang kahandaan upang madepensahan ang mga paratang sa dating kongresista.
Ayon kasi kay Atty. Ferdinand Topacio na sila’y mayroong maipepresentang mga ebidensya sa korte sapagkat ilang taon din nila umano itong pinaghandaan.
Nakatakdang humarap si Former Negros Oriental Congressman Arnie Teves Jr. sa Regional Trial Court ng Maynila, Branch 51 para sa kaso nitong may kinalaman sa murder o pagpatay.
Dito babasahan siya ng sakdal ngunit isasagawa na lamang ang pagdalo niya sa pamamagitan ng online video conference na nauna naman ng kinumpirma ng National Bureau of Investigation.