-- Advertisements --

Hindi natuloy kahapon ang planong pagmartsa ng mga bakwit patungong Marawi para makabalik sa kanilang mga tahanan.

Ito’y matapos pakiusapan sila ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mga internally displaced persons (IDPs) na ipagpaliban ang kanilang plano dahil delikado pa.

Una rito, nakipagdiyalogo sa Iligan city si Lorenzana kasama ang iba pang mga opisyal ng pamahalaan sa Marawi kabilang ang mga residente, Lanao -local government unit, civil society organizations, Marawi sultanate, at non government offices.

Ayon kay Lorenzana, nauunawaan ng pamahalaan ang paghihirap na nararanasan ng mga bakwit sa evacuation centers pero lubhang mas mapanganib para sa kanila ang bumalik sa kanilang mga iniwang tahanan sa Marawi.

Matindi pa rin aniya kasi ang labanan sa Marawi sa pagitan ng mga puwersa ng pamahalaan at mga Maute terrorist.

Napag-alaman na ang hakbang ng mga residente ay itataon sana nila sa State Of the National Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte upang i-highlight ang kanilang sitwasyon.

Hiling naman ni Lorenzana sa mga residente na bigyan pa ng kaunting pagkakataon ang militar na tiyakin na ligtas na ang buong Marawi bago pahintulutang bumalik ang mga bakwit.

Una rito, nakukulangan si Assemblyman Zia Alonto Adiong sa talumpati ng pangulo sa SONA dahil wala itong malinaw na plano kaugnay sa kalagayan ng mga bakwit na nasa 500,000.