-- Advertisements --
image 211

Pinapa-prayoridad ni Senator Imee Marcos ang pagbuo ng evacuation plan para sa mga OFWs na nasa Taiwan.

Ito ay sa gitna pa rin ng tumitinding hidwaan sa pagitan ng China at Taiwan,

Ayon sa Senador, na siyang Chair ng Senate Committee on Foreign Relations, ang pagbuo ng evacuation plan para sa mga OFWs ay dapat bigyang prayoridad ng pamahalaan, upang hindi maipit ang mga ito sa sandaling sumiklab ang kaguluhan doon.

Mainam din anyang ito ang maging prioridad ng humanitarian and disaster response efforts ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa kasalukuyan, sinabi ng Senador na bumubuo na ang US ng evacuation plan, ganun din ang Indonesia na mayroong 350,000 migrant workers sa Taiwan.

Sa ngayon, mayroong 150,000 Filipino workers sa Taiwan na pumapasok bilang mga caregiver, factory workers, at mga mangingisda.

Bagaman nauna nang tiniyak ng Department of Foreign Affairs na mayroong nabuong contingency plan, duda ang Senador na mayroong comprehensive evacuation plan na maaaring sundin, oras na may sumiklab na kaguluhan doon.