-- Advertisements --

Hinimok ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate ang mga kapwa niya mambabatas na aprubahan na sa lalong madaling panahon ang panukalang batas na nagsusulong nang pagtayo ng mas ligtas na evacuation centers.

Ginawa ni Zarate ang naturang pahayag kasunod nang pananalasa ng Bagyong Rolly sa malaking bahagi ng Luzon noong Linggo.

Iginiit ni Zarate na hanggang sa ngayon ay sa mga basketball courts, paaralan at simbahan nananatili ang mga lumilikas na mga Pilipino sa tuwing mayroong kalamidad.

Kaya naman mahalaga aniyang mapabilis ang pag-apruba sa House Bill No. 5259 o Evacuation Centers Bill, lalo na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabi na kailangan na magtayo ngayon ng mas marami pang evacuation centers sa bansa.

Sinabi ni Zarate na magmula nang manalasa ang Super Typhoon Yolanda ay isinusulong na nila ang panukalang batas na ito upang sa gayon ay mabawasan man lang pagdurusa ng mga Pilipinong biktima ng kalamidad.

Sa ilalim ng kanilang inihaing panukala, itatayo ang mga evacuation facilities sa mas ligtas na mga lugar.

Ang mga imprastrakturang itatayo ay kailangan resistant sa mga bago at lindol.

Dapat na kumpleto rin ang mga ito ng relief goods at emergency equipment.